(UPDATED) Lider-magsasaka sa Laguna dinukot ng militar, nakadetine sa Quezon

(UPDATED) Lider-magsasaka sa Laguna dinukot ng militar, nakadetine sa Quezon

by: Ilang-Ilang Quijano

Pinoy Weekly

April 13, 2012

Natagpuang nakakulong sa Quezon Provincial Police Office ang lider-magsasaka sa Laguna na si Alex Arias, apat na araw matapos mawala at dinukot ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), ginamit ng pulis ang parehong warrant of arrest na ginamit  sa paghuli kay Reynante Gamara sa Las Pinas City noong Abril 3.

Sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pinagbintangan nitong finance officer daw si Arias ng “Southern Tagalog Regional Party Committee” ng New People’s Army. Samantala, inakusahan naman si Gamara ng Bayan Muna na secretary daw ng Manila-Rizal Command ng mga rebelde.

Ngunit giit ng Kasama-TK at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), imposible ang paratang ng militar kay Arias. Kilalang lider-magsasaka sa Laguna si Arias at aktibo sa mga pagkilos ng mga magsasaka sa rehiyong Timog Katagalugan.

Si Arias, 56, ay tagapangulo ng Pagkakaisa’t Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna (Pumalag), lokal na tsapter ng KMP. Isa siya sa mga nagtatag ng grupo noong 1998.

Pinatotohanan naman ni Axel Pinpin, pangkalahatang kalihim ng Kasama-TK, na isang aktibong lider-magsasaka si Arias sa rehiyon. “Bilang tagapangulo ng Pumalag, miyembro rin siya ng regional council ng Kasama-TK at national council ng KMP.”

Pagdukot

Bandang alas-onse ng umaga noong Abril 7, nagmomotor pauwi sa kanyang tahanan sa Liliw, Laguna si Arias nang biglang harangin ng armadong kalalakihan sa Brgy. Bubukal, Sta. Cruz, ayon sa ulat ng KMP. Ayon umano sa mga nakasaksi, isinakay ng mga armado si Arias sa isang van na may eskort pa na ilang motorsiklo.

Alex Arias, dinukot na lider-magsasaka sa Laguna (Contributed Photo)

Pinaghihinalaan ang mga armado na miyembro ng 1st Infantry Battalion ng Philippine Army, ayon sa Karapatan-Southern Tagalog.

“Mariin naming kinokondena ang pinakahuling atakeng ito ng gobyernong Aquino sa mga lider-pesante. Dapat kagyat na ilitaw ni Aquino at ng AFP si Ka Alex,” sabi ni Randall Echanis, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Ani Echanis, ipinapakita ng insidente ang “nagpapatuloy na atake ng gobyernong Aquino sa mga magsasakang iginigiit ang kanilang karapatan sa lupa.”

Samantala, sinabi naman ni Glen Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-ST, na konektado sa pagdukot ni Arias ang pagtatayo ng mga detatsment ng 1st IBPA at 202nd Infantry Brigade sa mga bayan ng Magdalena, Majayjay at Liliw sa Laguna noong Enero ngayon taon.

Bahagi ito ng diumano’y Peace and Development Program sa ilalim ng kontra-insurhensiyang programa na Oplan Bayanihan. “Itinayo ng mga sundalo ang kanilang detatsment sa mga eskuwelahan, barangay hall at mismong sa gitna ng mga komunidad,” ayon kay Malabanan.

Idinagdag ng grupo na ayon umano sa mga kapitbahay ni Arias sa Brgy. Tuy Banaan, Liliw, matagal nang pinaghahanap ng mga sundalong militar si Arias.

“Nagtatago ang Oplan Bayanihan sa ilalim ng mga islogan para sa kapayapaan at kaunlaran…(S)ubalit karahasan, pang-aabuso, pagdukot at pagpatay sa mga  mamamayang pinaghihinalaang mga kaaway ng gobyerno ang dulot nito. Sa halip na tinutugis ng gobyerno ang kriminal na si Jovito Palparan, ang inosenteng mga mamamayan ang kanyang binibiktima,” ayon kay Malabanan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s