Ang Litrato ng Tatay Ko (Isang Pagbabahagi sa Araw ng Mga Nawawala)

ni Ron de Vera
August 30, 2013 | International Day of the Disappeared

Bata pa ako nung araw na mawala ang litrato ng tatay ko. May malakas na bagyo. Nabasa na nga ang nanay ko, kaya’t imbes na sumugod na naman sa ulan, pinili niyang manatili na lang sa bahay. Lalo na’t may sugat ang paa niya. Mahirap na. Mahirap nang tumakbo.

Hindi ko rin lubos na maunawaan kung bakit palipat-lipat ng puwesto ang litrato ng tatay ko. Minsan nasa tabi ng katre, minsan nasa estante sa sala, minsan naman, tinatago sa ilalim ng mesa pag may di kilalang bisita. Hindi ko na nga nakabisado ang itsura ng litrato ng tatay ko, dahil madalang ko naman ito makita.

Kaya naman nung araw na mawala ang litrato ng tatay ko, hindi ko rin maunawaan kung anong dapat kong maramdaman. Dapat ba akong malungkot eh hindi ko naman ito laging nakikita? Dapat ba akong matuwa gayung mahalaga ito sa nanay ko?

Patuloy ang pagbagsak ng malakas na ulan. At patuloy rin sa paghahanap ang nanay ko. Ang tanong niya, ano daw ang naaalala ko bago mawala ang litrato ng tatay ko. May kasama bang iba pang litrato ang litrato ng tatay ko, o mag-isa lang ba ito? Maraming tanong ang nanay ko na hindi ko masagot. Kaya’t lumabas ang nanay ko para magtanong kay Aling Cory, ang may-ari ng inuupahan namin. Sa likod ng bahay lang naman namin siya nakatira. Kaya mabilis lang dapat ito.

Pero pagkatagal-tagal ng pakikipag-usap ng nanay ko kay Aling Cory at sa mga kasambahay nito. Wala daw sa kanila. Bakit naman daw nila ito kukunin? Ano naman daw ang mahihita nila dito? Baka naman daw nanay ko rin ang may kasalanan kung bakit nawawala ang litratong ito. Pagbalik ng nanay ko, kakaiba na ang hubog ng mukha niya. Malayo ang tingin. Walang damdamin ang bibig, lugmok ang pisngi, bakante ang mga mata. May hinala daw siya tungkol kay Aling Cory pero kahit mapatunayan man daw niya ito, hindi naman daw aamin si Aling Cory.

Nagsimulang matuklap ang kisame ng maliit na bahay namin. Nagsimulang pumasok ang tubig-ulan sa bubong. Dalawa lang kami ni nanay nun kaya’t tinulungan ko siya kahit sobrang hirap. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ng siyam na taong gulang kong katawan. Punas dito, tapal dun, timba dito, planggana dun. Alam kong pagod na pagod na si nanay kaya’t kahit pagod na pagod na rin ako, hindi ko ito pinahalata sa kaniya. Nanlumo ako nang marinig ko sa radyo na lalakas pa daw ang bagyo.

Pagsapit ng hatinggabi, naubos na ang mga timba at planggana. Naubos na rin ang pantapal. Kaya’t alam naming ilang minuto na lang ay magsisimula nang bumaha sa loob ng bahay namin. Nang magsimulang tumaas ang baha, nagsimula na ring tumulo ang luha ng nanay ko. Hindi ko alam kung dala ito ng binabaha naming bahay o ng nawawalang litrato ng tatay ko.

Halatang gusto na niyang humiga’t matulog pero wala nang puwesto. Nakatayo lang siya sa gitna ng binabaha naming sala. Nakayuko. Nakatingin sa kawalan. Kaya’t lumapit ako at yinakap ko siya. Tumingin siya sa akin at kahit pa basa na ng luha ang mukha niya ay nakuha pa niyang ngumiti. Linibing ko ang mukha ko sa tiyan niya para itago ang sarili kong mga luha. At bigla siyang kumanta. “Tulog na bunso ang iyong ama ay nasa malayong bayan…” Patuloy ang pagpatak ng ulan, patuloy ang pagpatak ng luha ng nanay ko, patuloy ang pagpatak ng luha ko.

Sinubukan kong intindihin ang nararamdaman ko. At napagtanto kong hindi ito lungkot kundi galit. Galit na galit ako sa bagyo sa lipunan. Galit na galit ako sa baha ng karahasan. Galit ako sa mga mapang-aping nagpapaluha sa nanay ko. Galit ako sa mga ganid na militar na sumugat sa paa ng nanay ko. At higit sa lahat, galit na galit ako sa mga dumukot sa litrato ng tatay ko.

Mahigit dalawang dekada nang nawawala ang litrato ng tatay ko. Magaling na ang sugat sa paa ng nanay ko. Kaya’t balik na naman siya sa pagsugod sa ulan, gaya ng nakagawian. Sabi niya, mahalaga ang lumuha. Pero higit na mahalaga ang lumaban. Kaya’t habang walang patid ang ulan, walang patid din ang laban.

Mahigit dalawang dekada nang nawawala ang litrato ng tatay ko. Natutunan ko nang pigilin ang luha ko pag nababanggit ito. At natutunan ko na ring paamuhin ang galit sa dibdib ko. Nakatulong rin na marami rin palang tulad namin na nawawalan ng litrato.

Tanggap na ba naming hindi na namin makikita ang litrato ng tatay ko? Puedeng hindi, puedeng oo. Ang mahalaga ay hindi lang ang hanapin ang mga litratong ito. Ang mahalaga ay sugpuin ang sanhi kung bakit nangyayari ito. Para bukas wala nang bagyong hahampas sa mga anak natin. Para bukas wala nang bahang sisira sa mga buhay ng mga apo natin. Para bukas, wala nang magpapaluha sa atin. Para bukas, wala nang magpapagalit sa atin. Pero sa araw na ito, makiisa muna tayo. Sa araw na ito, kumuha muna tayo ng lakas sa isa’t isa, lakas na magpatuloy sa paghahanap, lakas na magpatuloy sa pakikipaglaban. Sa araw na ito, kayo muna ang litrato ng tatay ko.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s