Pamilya ni Alfredo Bucal, Naglunsad ng Protesta sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos!

PRESS RELEASE

AUGUST 30, 2011

ARAW NG PAGLULUKSA PARA SA HUSTISYA,

Pamilya ni Alfredo Bucal, Naglunsad ng Protesta sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos!

Nasugbu, Batangas. Bilang bahagi ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos o biktima ng sapilitang pagkawala, naglunsad ng kilos protesta at martsa-prusisyon kaninang umaga, Agosto 30, ang mga ka-pamilya at kaibigan ni Alfredo Bucal, 62-anyos tricycle driver at mahigit 9 na buwan nang nawawala mula sa bayan ng Nasugbu.

Umaga ng Nobyembre 10, 2010 nang huling makita ng kanyang asawa at mga anak si Bucal, o mas kilala bilang “Tatay Fred” upang mamasada. Ayon sa mga nakasaksi, si Tatay Fred ay hinuli at dinala ng mga militar matapos mapadaan sa isang checkpoint ng mga militar na pinangunahan ng 730th Combat Group Philippine Air Force (CG PAF) sa ilalim ng dati nitong Commanding Officer na si Lt. Vincent Incognito sa Brgy.Luntal, Tuy, Batangas humigit-kumulang ika-9 ng umaga nang araw ding iyon.

Sa kabila ng maraming makapagpatunay na si Bucal ay dinala nga sa kampo-militar sa Palico, Nasugbu; hindi ito iniharap ng mga militar sa pamilya nang magpunta ang huli sa nasabing kampo, kinabukasan lamang ng pagkawala ni Tatay Fred. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na itinatanggi ng mga militar ang ginawa nilang paghuli at patuloy na pagtatago kay Tatay Fred. Sa katunayan, maging ang nakatakda sanang tumestigo na aktwal na nakakitang isinakay ng mga militar si Tatay Fred sa kanilang sasakyan, ay tinakot at pinagbantaan ng mga kagawad ng 730th CGPAF upang anila ay “Huwag siraan ang kanilang hukbuan; at kung magpatuloy sa pag-testigo ay may masamang mangyayari sa kanyang pamilya.”

“Sadyang nakakapaghinagpis ang halos 9 na buwan na rin naming paghahanap sa aming ama… napakasakit sa kalooban ang halos gabi- gabing hindi kami makatulog at mapanatag sa kakaisip kung ano ang nangyari sa kanya; kung siya ba ay buhay pa o patay na?, sadyang

Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kaanak at kaibigan ni Alfredo Bucal sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Nawawala sa Batangas

napakabigat…” saad ni Pearly Bucal, anak ni Tatay Fred.

Maging ang asawa ni Tatay Fred na si Gng. Paulina Bucal ay halos magkasakit na sa labis na pag-aalala at pag-iisip sa sinapit ng kanyang asawa.

Nito lamang nakaraang ika-17 ng Agosto, isang bangkay ang natagpuan sa bundok ng Calayo, Nasugbu at kaagad itong pinuntahan ng pamilya Bucal upang siyasatin. Kumpara sa mga nagdaang bangkay na siniyasat at tinangkang kilalanin ng pamilya sa pagbabakasaling ito si Tatay Fred, labis na panghihilakbot at panlulumo ang naramdaman ngayon ng pamilya Bucal matapos makita ang nasabing bangkay.

“Halos magkaparehas ang tangkad ng bangkay na iyon, at ng aking ama. Isa lamang din ang ngipin nito na katulad ng sa aking Tatay, at noon lamang kami nakaramdam ng ganoong klase ng lukso ng dugo at panlulumo. Ayon mismo sa PNP-Nasugbu, matatayang may 8 hanggang 9 na buwan nang naroon ang bangkay kung pagbabatayan ang hitsura ng dekomposisyon nito…” dagdag pa ni Pearly.

“Lalo lamang tumitibay ang aming kutob, at ang paniniwala na sadyang mga militar ang may kagagawan nito sa aming ama; sapagkat nakita ang nasabing bangkay sa mismong daanan ng mga sundalo; na hindi dinadaanan ng karaniwang magsasaka, at ayon sa mga taga-roon ay sadyang mga sundalo lamang ang dumadaan doon lalo na kapag maglulunsad sila ng kanilang mga operasyong-militar, sapagkat napakalapit ng pinagkitaan ng nasabing bangkay sa kanila mismong kampo…” pagpapatuloy ni Pearly.

“Walang paggalang sa karapatang pantao, at sagad-sagaring berdugo ang mga militar sa lalawigan ng Batangas; matapos dakpin ang pagbintangan pang NPA ang isang 62-anyos na matandang maysakit na sa puso, napakatagal nang panahon na itinago nila si Tatay Fred at ngayon nga ay kinakaharap ng pamilya ang posibilidad na ito ay maaaring pinatay na ng mga walang-pusong militar upang tuloy-tuloy na pagtakpan ang kanilang krimen at paglabag sa karapatang pantao!” saad naman ni Lino Baez, Pangkalahatang Kalihim ng BIKTIMA- BATANGAS.

“Sa ating paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos, nakakalungkot na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nabibigyan ng hustisya ang mga dati nang biktima; at sa kabila ng pagpapalit natin ng bagong pangulo at pag-asam na kaiba ito kaysa mga nagdaan, ay nagpapatuloy pang lalo ang ganitong kalalang mga paglabag sa karapatang pantao… hindi makatarungang sapitin ni Tatay Fred ang karahasang ginawa sa kanya ng mga militar sa ating lalawigan,” pagpapatuloy naman ni Arnold Evangelista, Executive Director ng Batangas Integrated Human Rights Advocates (BIHRA).

Sa kasalukuyan, bukod sa inilunsad na pagkilos ngayong araw, tuloy- tuloy ang pagharap ng pamilya sa pagdinig sa isinampa nilang petisyon para sa Writ of Habeas Corpus laban sa 730th CGPAF sa Nasugbu Regional Trial Court. Kaagad ding nag-rehistro ng ‘claim’ ang pamilya Bucal sa bangkay at umaasam na sa lalong madaling panahon ay maisara ng PNP at SOCO ang ginagawa ng mga itong beripikasyon sa pagkakakilanlan nito.

May mga hakbangin ding ilulunsad ang pamilya Bucal, sa tulong ng BIHRA, BIKTIMA at iba’t ibang mga human rights organizations, at mga kinakailangang eksperto upang ganap nang maisara ang katauhan ng natagpuang bangkay sa Nasugbu; subalit anuman ang maging resulta nito, matigas pa ring naninindigan ang pamilya Bucal.

“Anuman ang maging kahinatnan ng lahat ng ito, tuloy-tuloy ang panawagan ng aming pamilya para sa hustisya at upang managot ang mga walang-awang militar ng ating gubyerno na siyang gumawa nito sa kanya; buhay pa man o patay na ang aming ama, hindi kami titigil hangga’t hindi namin nakakamit ang nararapat na hustisya para sa kanya, at hangga’t hindi napaparusahan ang mga kagawad ng Philippine Air Force na tuloy-tuloy na nagpapanggap na maka- demokrasya at gumagalang diumano sa karapatang pantao sa kabila ng kanilang mga kabangisan at patung-patung nang kaso ng pagyurak sa karapatang pantao ng mga inosenteng sibilyan katulad ng aming mahal na amang si Tatay Fred!” matatag na pahayag ni Pearly.

    SI ALFREDO BUCAL AY IKA-7 NANG BIKTIMA NANG SAPILITANG PAGKAWALA SA BATANGAS. Kabilang din sa napakarami na ring biktima mula pa sa panahon ni GMA sina Domingo delas Alas (Coordinator, BAYAN MUNA Ibaan), Erning Castillano at Noel Desacula (Calaca), Valentin Katigbak (Balayan) at Noli Serrano (Calatagan).

Ayon pa sa BIKTIMA, bagaman ipinapangalandakan ni PNOY ang diumano ay paggalang nito sa karapatang pantao, matindi pa rin ang karahasang militar sa lalawigan ng Batangas at patunay nga ang patuloy na pagtatago ng mga militar kay Alfredo Bucal; dagdag pa ang mga kaso ng extra-judicial killings, harassment sa mga progresibong lider at patuloy na pagbabansag na diumano ay “NPA” sa mga sibilyan at maging sa lehitimong mga organisasyon at mga indibidwal na lider at kasapi ng mga ito.

“Walang ipinag-iba si Aquino kay Arroyo… parehong may sungay at pangil ang Oplan Bantay Laya noon ni GMA na kumitil sa napakaraming buhay at lantarang yumurak sa karapatang pantao na siya ring ginagawa ngayon ng Oplan Bayanihan ni PNOY! Walang ibang patutungahan ang mamamayan kundi ang dalhin ang kanilang mga panawagan sa lansangan, hangga’t hindi natutulig si PNOY sa

napakalakas nang hinagpis at pagtangis ng mga biktima ng sapilitang pagkawala at iba pang paglabag sa karapatang pantao!” pagwawakas ni Baez.#

REFERENCE PERSON:

Lino Baez

Pangkalahatang Kalihim, BIKTIMA-Batangas

0999-591-0909

BIKTIMA AT KAMAG-ANAKAN LABAN SA INHUSTISYA AT MILITARISASYON –

BATANGAS

biktima_batangas@hushmail.com

About these ads

One comment on “Pamilya ni Alfredo Bucal, Naglunsad ng Protesta sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos!

  1. Pingback: Families of the “desap” mount a photo exhibit, light candles for their missing loved ones - Bulatlat

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s